Karnaper utas sa barilan

MANILA, Philippines — Bumulagta ang isang sinasabing kilabot na karnaper matapos siyang makipagpalitan ng putok sa mga otoridad sa ikinasang anti-carnapping operation kahapon ng araw sa Las Piñas City.

Nasawi noon din matapos na mapuruhan ng ­punglo sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang suspek na kinilalang si Jefferson Perido alyas “Pepep”, 31-anyos, taga-Brgy. Pulang Lupa 1 ng nasabing lungsod.

Sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente alas-2:16 kahapon ng madaling araw sa kahabaan ng Gatchalian Drive, Brgy. Manuyo Dos, nang ikasa ang operasyon kontra sa suspek matapos nitong tangayin ang isang motorsiklo at tutukan ng baril ang naging biktima nito.

Nang maispatan ng mga otoridad ang suspek ay agad na pinutukan nito ang mga pulis dahilan upang gumanti ang mga alagad ng batas na nagresulta sa agarang niyang pagkamatay.

Nakumpiska ng mga pulis mula sa nasawing suspek ang isang kalibre .38 baril, at isang pouch na naglalaman ng dalawang sachet ng shabu.

Patuloy pa ring iniimbestigahan ng pulisya ang naturang insidente.

Show comments