MANILA, Philippines — Nakahandang magbigay ng P100,000 reward si Manila Mayor Joseph Estrada para sa ikadarakip ng killer ng team leader ng Manila Traffic Parking Bureau na si Ruben Pangindian.
Ayon kay MTPB Director Dennis Alcoreza matagal nang pinaghahanap ang suspek na si Julian Aruta, dating nakatalaga sa Manila Tricycle Regulatory Office (MTRO) na kung saan batay sa police record ay may iba pang kaso ng pagpatay ito noong Disyembre kaya ito nagtago.
Sinabi ni Alcoreza na kabilang umano si Aruta sa mga sindikato ng mga tricycle sa Parola Compound.
Nabatid na nilinis ni Alcoreza ang Parola katulong ang ICTSI mula sa mga pasaway na tricycle driver dahil na rin sa pagtatrapik sa lugar.
Magbibigay ng tulong pinansiyal ang city government sa pamilya ni Pangindian.-Doris Franche- Borja-