MANILA, Philippines — Dalawang holdaper na sakay ng motorsiklo ang nasawi nang sila ay makipagbarilan sa mga humahabol na pulis matapos na kanilang holdapin ang isang babae kahapon ng madaling araw sa Sampaloc, Maynila.
Inilarawan ang isang suspek na nakasuot ng itim na hooded jacket, itim na shortpants, nasa 30-35 ang edad at may taas na 5’1” habang ang isa ay nasa 35-40 ang edad, nakasuot ng t-shirt na puti at jersey shorts na miyembro umano ng Commando Gang base sa nakitang tattoo sa katawan.
Narekober sa crime scene ang dalawang kalibre 38 baril na walang serial numbers na may tig-apat na bala; 4 na sachet ng marijuana at 4 na sachet ng shabu, isang MyPhone cellphone, isang Hotway cellphone; P500 cash, isang tribal shoulder bag na maraming identification cards ng isang “Theresa Rayo”.
Batay sa ulat rumesponde ang mga tauhan ni Supt. Andrew Aguirre nang humingi ng saklolo ang isang babae na hinoldap umano ng dalawang lalaki na nakamotorsiklo.
Nang may mamataan na riding in tandem ang mga beat patroller pasado ala-1:00 ng madaling araw na akma sa paglalarawan ng biktima ay sinubukang harangin ang motorsiklo, ubalit hindi umano huminto at sa halip ay pinaputukan ang mobile patrol car na tinamaan ng bala ang bumper.
Nauwi sa habulan hanggang sa makarating sa tapat ng footbridge sa bahagi ng Ramon Magsaysay Boulevard at Altura St., Sampaloc, Maynila, kung saan naganap ang palitan ng putok na ikinasawi ng dalawang suspek.