MANILA, Philippines — Walong katao kabilang ang isang alkalde ang inaresto nang pinagsanib na elemento ng militar at pulisya sa gunban nang magsagawa ng law enforcement operation na nauwi sa engkuwentro sa pagitan ng security forces at ng mga Private Armed Groups (PAGs) ng lokal na opisyal sa Brgy. Sundiga Punod , Pantar , Lanao del Sur kamakalawa.
Sa ulat, bago nasakote ang mga suspek dakong alas-6:00 ng umaga ay nagsasagawa ng operasyon ang Army’s 2nd Mechanized Battalion at Pantar Police nang pumalag ang mga suspek na sina Pantar Mayor Jabar Tago na nauwi sa bakbakan hanggang sa sumuko ang mga suspek.
Bukod kay Mayor Jabar ay nasakote rin sa sina Jamadoling Tago, Jamoding Tago, Rehan Gumpal, Abdul Racman Gumpal, Kiram Ampuan at Nasroding Lao.
Nakumpiska mula sa mga ito ang siyam na matataas na kalibre ng mga armas, limang pistol at isang shotgun o kabuuang 15 mga armas gayundin ang sari-saring mga bala.
Sina Mayor Tago ay inaresto base sa search warrant ng korte kaugnay ng paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act at Comelec gun ban.
Bukod pa rito na si Mayor Tago, Janoding at Jamaloding ay may kaso ring frustraded murder at nakalalaya lamang sa piyansa at isa pang kaso ng murder na inihain sa Branch 5 sa lungsod naman ng Iligan.
Si Kiram ay kabilang naman sa mga nasa narcolist ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nagpapatuloy naman ang mahigpit na pagpapatupad ng gun ban ng security forces na mananatili hanggang Mayo 21.