MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang guwardiya makaraang barilin ng kapwa guwardiya matapos magkaroon ng mainitang pagtatalo hinggil sa kanilang suweldo sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima na nasawi noon din dahil sa tinamong tama ng bala ng twelve gauge shot gun sa kaliwang dibdib at taga sa mismong pulso sa kaliwang kamay ay kinilalang si Manuel Trilles Valencia, 56-anyos, security guard ng Jericko Security Agency at residente ng No.131 Unit 1-B North Hills Ville, Norzagaray Bulacan.
Agad namang tumakas ang suspek na nakilalang si Perfecto Zamora David, 54-anyos, security guard din ng nasabing agency at naninirahan sa Villa Beatriz Subd., Brgy. Old Balara, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Marvin Masankay, nabatid na ang krimen ay naganap dakong alas-6:00 ng gabi sa bakanteng lote sa Sta. Elena Property na matatagpuan sa Milan St., Capitol Park Homes, Brgy. Old Balara ng nasabing lungsod.
Batay sa pahayag Joel Caceras, kasamahang guwardiya ng biktima at suspek na masaya umano silang nag-iinuman subalit nagkainitan sina Valencia at Zamora, matapos na magtalo sa kanilang suweldo.
Galit umanong umalis si David subalit pagbalik nito ay walang sabi-sabing pinaputukan ng shot gun ang biktima.
Bagama’t duguan nang nakabulagta si Valencia ay hindi pa umano nakuntento ang suspek at dinampot pa nito ang patalim saka tinaga ang pulso sa kaliwang kamay ng biktima, bago tumakas.