MANILA, Philippines — Limang katao kabilang ang isang dating barangay chairman at dalawa nitong kapatid ang dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI-Task Force Against Illegal Drugs) sa isang drug raid sa bahay nito sa Cavite City, kamakailan.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Maynard Alfaro, dating chairman ng Barangay 134, Zone 23 Pasay City, mga kapatid na sina Jonathan Alfaro at Archie Alfaro; Romeo Laurenaria, Jr. at Henry Moyano.
Sinabi ni NBI Director Dante Gierran na ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possesion of firearms at Comelec gun ban.
Bago isinagawa ang pagsalakay ay nakakuha ng impormasyon ang NBI hinggil sa iligal na aktibidad ng “Nanad Group” na pinamumunuan umano ng Alfaro brothers.
Kaya’t kumuha ng search warrant sa Bacoor City Regional Trial Court Branch 89 ang NBI-TFAID at nakipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at lokal na pulis at ikinasa ang operasyon.
Sa pagdating ng grupo sa bahay na umano’y ginagawang drug den ay namataan sila ni Jonathan Alfaro kaya’t nagtangkang tumakas sakay ng kotse, subalit agad itong nakorner ng mga otoridad.
Hinalughog ang bahay nito at nasamsam ang mga iligal na droga at paraphernalias, mga bala, mga ID at sa kotseng nabanggit ay nakuha ang isang kalibre 40 baril.
Muling binalikan kinakagabihan ng NBI-TFAID ang nasabing bahay bitbit ang warrant of arrest sa kasong murder naman para sa subject na si Maynard Alfaro na naispatan na nakatayo sa harapan ng gate ng bahay at kasama sina Archie Alfaro at Moyano at Laurenaria Jr. at hindi na nakapalag pa nang arestuhin.