Ayaw magbigay ng suporta sa 2 anak...
MANILA, Philippines — Basag ang ulo at hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 28-anyos na mister nang paluin ng dos por dos ng kanyang biyenan matapos ang mainitang pagtatalo kamakalawa ng gabi sa Brgy. Santolan, Pasig City.
Kinilala ang nasawi sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center na si Michael Pacurib, 28, residente ng 43 Sgt. De Leon Street, Barangay Santolan, bunsod nang tinamong ‘head injuries’.
Tumakas ang suspek na kinilalang si Zosimo Nelvida, 60, biyenan ng biktima, at residente rin ng naturang lugar.
Batay sa ulat ng pulisya, bago naganap ang krimen dakong alas-9:00 ng gabi sa Sgt. De Leon St., Barangay Santolan ay nag-uusap ang magbiyenan tungkol sa hinihinging suportang pinansiyal ng suspek sa biktima dahil nasa pangangalaga nito ang dalawang anak na menor de edad.
Ayon sa pulisya, posible na ayaw magbigay ng biktima kung kaya’t nagkaroon nang pagtatalo ang magbiyenan at dito ay kumuha ng kahoy na dos por dos ang suspek at pinagpapalo sa ulo ang una.
Nabatid na nagkahiwalay ang biktima at misis nito na anak ng suspek at ang pangangalaga sa dalawang anak ay nasa huli.
“Umalis yung anak ng suspek at iniwanan sa matanda yung dalawang anak nya na pawang menor de edad kaya sya na nagtataguyod dito, hindi naman nagbibigay ng sustento yung biktima kaya hiningan nun suspek at doon nagsimula ang pagtatalo nilang mag biyenan,” wika ng imbestigador.