MANILA, Philippines — Isang retiradong police colonel na itinuturing na bagman at middleman ng Macau-based gambling tycoon na si Jack Lam na nasa likod ng kontrobersyal na P 50 M bribery scandal kapalit ng pagpapalaya sa mahigit isang libong Chinese na nahuling illegal na nagtratrabaho sa isang hotel casino sa Angeles City, Pampanga ang sumuko kahapon.
Iprinisinta kahapon nina incoming PNP Chief at National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Director Oscar Albayalde, at PNP-Criminal and Investigation Group (PNP-CIDG) Chief P/Director Roel Obusan ang suspek na si ret. Sr. Supt. Wenceslao “Wally” Sombero.
Ayon kay Albayalde, si Sombero ay nagtungo sa Camp Crame at sumuko sa kaniya kahapon ng umaga upang iharap ito sa Sandiganbayan kaugnay ng warrant of arrest laban dito sa kasong plunder kasama sina dating Immigration Commissioners Al Argosino at Michael Robles.