Karnaper kumasa sa mga pulis, patay

MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isa umanong karnaper matapos na manlaban sa mga pulis na aaresto sa kanya kamakalawa ng gabi sa Barangay Kapasigan, Pasig City.

Ang napatay na suspek ay kinilalang si Ferdinand Dayola, alyas ‘Peng,’ nasa hustong gulang, at residente ng naturang lugar, na may nakabinbing warrant of arrest dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 6593 o Anti-Carnapping Law.

Sa ulat ng Pasig City Police, bago nangyari ang shootout dakong alas-6:10 ng gabi sa  Sunflower St., ng nasabing barangay ay kasalukuyang nagsasagawa ng surveillance operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) laban sa isang hinihinalang drug pusher nang matiyempuhan nila si Dayola.

Nang makita ng suspek ang mga pulis ay kaagad itong kumaripas ng takbo, sanhi upang habulin at sa halip na sumuko nang makorner ay nagbunot ng baril at pinutukan ang pulis na humahabol na si PO1 Velardo.

Gumanti ng putok si PO1 Velardo at tinamaan sa katawan ang suspek na dinala sa ospital, subalit namatay din.

Show comments