MANILA, Philippines — Pinakakasuhan ng kriminal si dating Pangulong Benigno Aquino III at kanyang mga kasama na sina dating Budget Secretary Butch Abad at dating Health Secretary Janette Garin na umano’y nagsabwatan sa pagbili ng P3.5 bilyong dengue vaccination na Dengvaxia.
Batay sa report ng Senate Blue Ribbon Committeena nagsabwatan ang mga nasabing opisyal sa pagbili ng nasabing halaga na Dengvaxia vaccines na naglagay sa panganib sa buhay ng nasa 830,000 batang mag-aaral sa buong bansa na nabakunahan sa ilalim ng programa ng dating administrasyon.
“Aquino, Garin, Abad and other officials are primary conspirators and must be held criminally liable,” wika ni Gordon.
Bukod sa paninisi kay Aquino, nakasaad din sa report na ang dating presidente ang responsable sa pagbili ng Dengvaxia na nagdulot ng “irreversible damage” sa kalusugan ng mga bata na maaaring maging sanhi ng kanilang kamatayan.
Sa halip aniya na isang professional doctor na may magaling na credentials at hindi matatawarang reputasyon ang inilagay ni Aquino na mamuno ng DOH, isang pulitiko na galing sa maimpluwensiya at makapangyarihang political clan ang pinili nito.
Nakasaad din sa report na ang pinakamalaking kasalanan ni Aquino ay inilagay nito sa panganib ang buhay ng mga bata.
Bagaman at walang kinalaman sa imbestigasyon, binanggit din ang character umano ng dating Pangulo na hindi bumisita sa mga namatay na sundalo sa Mamasapano tragedy na nagpapakita umano na isa itong manhid.
Si Aquino umano ay “guilty” simula nang makipag-meeting ito sa mga opisyal ng Sanofi sa Beijing noong November 9, 2014.
Minadali umano ang pagbili ng Dengvaxia vaccines at hindi rin pinakinggan ang babala ng mga eksperto sa masamang epekto na maaaring idulot nito.
Bukod kina Aquino, Garin at Abad, inirekomenda rin ng komite na sampahan ng kaso sina Dr. Julius Lecciones executive director ng Philippine Children’s Medical Center (PMPC); Dr. Kenneth Hartigan-Go, Dr. Lourdes “Lulu” Santiago, Dr. Melody Zamudio, Dr. Joyce Ducusin, Dr. Mario Baquilod.
Kabilang sa mga inirekomendang kaso ang paglabag sa R.A. 3019 o Anti-graft and Corrupt Practices Act; R.A. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Pinapasampahan naman ng kasong perjury/false testimony si Lyndon See Suy, head ng immunization program sa ilalim ni Garin dahil sa testimonya nito noong Marso 13 na hindi na siya kasali sa Dengue program pero hindi naman umano totoo ito.
Idinagdag rin ni Gordon na kapag napatunayan na Dengvaxia talaga ang dahilan kaya namatay ang batang naturukan ng bakuna, maaaring madagdagan ang kaso ng mga nabanggit ng homicide.
Inirekomenda rin ng komite na tulungan ng mga embahada ang mga mamamayan na maghain ng isang class suit laban sa Sanofi para magkaroon ng indemnity fund ang mga bata na nabigyan ng bakuna.