MANILA, Philippines — Dahil isang agricultural land sa pamamagitan ng land reform ang isla ng Boracay ay nakatakdang ipamahagi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga magsasaka ang lupain sa isla.
Ito ang binigyang-diin ni Pangulong Duterte kahapon sa media interview bago siya tumulak patungong Boao business forum sa China.
“Consider Boracay a land reform area. I will give it to the farmers. Filipino first,” wika pa ni Pangulong Duterte sa mediamen sa Davao City International Airport.
Magugunita na inaprubahan mismo ni Pangulong Duterte ang rekomendasyon na isara ang Boracay island sa loob ng 6 na buwan upang isailalim ito sa rehabilitasyon batay sa rekomendasyon ng Department of Environment and Natural Resources, Department of Interior and Local Government at Department of Tourism.
Nakatakdang magpalabas ng proclamation si Pangulong Duterte na nagdedeklara na ang Boracay ay isang agricultural land at isasailalim niya ito sa land reform upang ipamahagi ang lupa sa mga magsasakang Filipino.
Nakahanda rin ang gobyerno na maglaan ng P2 bilyon mula sa calamity fund para tulungan ang mga apektadong mahihirap na Filipino sa pagsasara ng Boracay island.
Anya, uunahin muna ang rehabilitasyon at paglilinis ng Boracay island bago niya ito isailalim sa land reform at ipamahagi ang lupain sa mga magsasaka.
Bukod dito ay itinanggi rin ni Pangulong Duterte na alam niya ang planong pagtatayo ng isang casino sa Boracay na kanyang tinututulan.
Related video: