MANILA, Philippines — Sinisilip ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagiging miyembro ng “killer for hire” ng napatay na si PO1 Mark Ayeras, 32 sa bigong pagpatay sa isang abogado sa ginawa nilang pag-ambus dito kamakalawa ng madaling araw sa lungsod.
Sinabi ni QCPD Director P/Chief Supt. Guillermo Eleazar, posibleng miyembro ng upahang mamamatay tao si PO1 Ayeras na isang Absent Without Official Leave (AWOL) na pulis at kanyang dalawang kasama na tumambang kay Atty. Argel Joseph Cabatbat.
Nakaligtas sa ambush si Atty. Cabatbat pero napatay nito si PO1 Ayeras at malubhang nasugatan ang kasama nitong si John Paul Cirillo Napoles habang nakatakas ang isa pa.
Malaki ang hinala ni Atty. Cabatbat na isang doktor na hindi muna niya inihayag ang pangalan ang nasa likod ng bigong pagpatay sa kanya matapos nilang kasuhan at mapasibak ito sa trabaho at pinagbantaang papatayin siya.
Samantala, inihayag ng pamunuan ng PNP na walang makukuhang benepisyo ang pamilya ng nasawing si PO1 Ayeras.
“He will not be given benefits para sa family kasi he did a dishonorable way of getting out of the service,” wika ni Philippine National Police (PNP) Deputy Director of Internal Affairs (IAS) Director Leo Angelo Leuterio.
Binigyang diin ni Leuterio na ang pagkamatay ni PO1 Ayeras ay walang kinalaman sa duty nito bilang pulis kung saan nasangkot ito sa masamang gawain.