MANILA, Philippines — Nasa 5,318 pamilya o kabuuang 21,823 katao ang nailikas na sa 7 KM radius danger zone kaugnay ng patuloy na pagaalburuto ng Bulkang Mayon na nagbuga na ng lava at mga bato na nagbabadya ng pagsabog sa lalawigan ng Albay .
Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Romina Marasigan, wala nang mga residente sa loob ng 7 KM danger zone kasunod nang ipinatupad na preemptive at forced evacuation sa mga bayan sa palibot ng bulkan.
Kabilang sa mga inilikas ay mula sa 25 barangay mula sa mga bayan ng Camalig, Guinobatan, Ligao City, Daraga, Tabaco City at Malilipot na nanunuluyan sa 21 evacuation centers sa nasabing mga munisipalidad.
Maging ang mga alagang hayop ay inilikas na rin upang wala nang dahilan ang mga residente na babalikan pa sa kanilang mga bahay.
Bukod dito ay bantay sarado rin sa mga pulis na nagpapatrulya sa nasasakupan ng 7 KM radius danger zone.