5K pulis binalaan sa pagte-text
MANILA, Philippines — Handang-handa na ang Philippine National Police (PNP) sa ipatutupad na seguridad sa traslacion ng Itim na Nazareno na inaasahang daragsain ng daan-daang libong deboto ng Simbahang Katolika sa Enero 9 sa lungsod ng Maynila.
Ito ang tiniyak ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Oscar Albayalde. Aniya, bagaman wala silang nakukuhang impormasyon na may banta sa seguridad sa traslacion, patuloy ang kanilang monitoring laban sa mga grupong posibleng maghasik ng terorismo at manabotahe.
Ang NCRPO katuwang ang iba pang security forces sa pangunguna ng AFP at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ay mahigpit na magbabantay sa lungsod ng Maynila at todo higpit din sa mga kanugnog nitong lugar upang hindi maisahan ng mga grupong banta sa seguridad kabilang na ang mga terorista.
Binalaan din ni Albayalde ang may 5,613 pulis na idedeploy sa traslacion ng Itim na Nazareno na kakastiguhin at papatawan sila ng kaparusahan kapag mahuhuling nagte-text habang naka-duty kaugnay nang mahigpit na seguridad na ipatutupad sa lungsod ng Maynila.
“Sa ating mga kapulisan, yung idedeploy sa traslacion, you are prohibited from texting, don’t toy with your cellphone, mag-focus lang tayo sa security measures,” ani Albayalde.
Si Albayalde ay nakatakdang magsagawa ng inspeksyon sa mga pulis na naka-duty sa ruta ng Itim na Nazareno mula Quirino Grandstand patungong Quiapo Church. Inaasahan namang makikiisa sa misa at pag-iinspeksyon si PNP Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa.
Nabatid na umpisa sa Pahalik sa Itim na Nazareno sa Lunes (Enero 8) ay magsisimula nang ipakalat ang mga pulis at kabuuang 5,613 pulis ang ibubuhos sa Martes, Enero 9 o sa mismong araw ng prusisyon.
Sa kabila nito, ang mga mamasan o mga pulis na namamanata ay pahihintulutan namang makiisa sa traslacion. Nabatid sa NCRPO Director na karamihan ng mga namamanatang pulis sa Itim na Nazareno ay miyembro ng Manila Police District (MPD) kung saan isa rin sa deboto nito ay si MPD Director P/Chief Supt. Napoleon “Jigs” Coronel.
Pinayuhan naman ni Albayalde ang mga deboto na magpapartisipa sa traslacion na huwag magsuot ng mamahaling alahas, huwag magdala ng malalaking halaga ng pera at ingatan ang kanilang mga cellphone upang huwag mabiktima ng mga kawatan na posibleng humalo at magsamantala sa mga namamanata. Gayundin, huwag pumunta sa traslacion nang lasing o nakainom at iwasan ang pagdadala ng mga bata upang maiwasan ang posibilidad na masaktan ang mga ito at mawala.