MANILA, Philippines — Ilang sunog ang naganap sa Metro Manila at Davao City na ikinasawi ng isang tao sa pagsalubong sa Bagong Taon, kahapon.
Sa ulat, isang kwitis ang naging dahilan nang pagkasunog ng 50 kabahayan sa Geresa Subdivision, Brgy.Wilfredo Aquino, Agdao District, Davao City dakong alas-12:30 ng madaling araw sa kasagsagan ng pagsalubong sa Bagong Taon na tumama sa isang bahay dito.
Mabilis na kumalat dahilan sa pawang gawa ang mga kabahayan dito sa mahihinang uri ng materyales.
Nagresponde naman ang mga bumbero sa lugar na nahirapang maapula ang apoy dahilan sa masyadong makikipot ang mga kalye dito.Wala namang naiulat na nasugatan sa nangyaring sunog.
Nasawi naman ang isang Elmer Lanora, 58, dahil sa suffocation matapos na hindi makalabas sa bahay na kanyang inuupahan sa Katarungan St., Brgy.Caniogan, Pasig City habang sinasalubong ang taong 2018 kahapon.
Nabatid na dakong alas-11:30 ng gabi nang sumiklab ang apoy kasabay ng mga nagpuputukang fireworks at firecrackers sa paligid ng bahay ni Lanora.
Hindi na nagawa pang makalabas ng bahay si Lanora dahil sinasabing mahina ang katawan nito, bunsod ng hindi pa batid na karamdaman kaya’t na-suffocate ito sa usok.
Ayon naman sa kapitbahay ni Lanora na si Erlinda Estabillo na tinangka niyang pasukin ang bahay, subalit nakasara ito.
“Mahina na yun, may sakit. Di nakatakbo. Siya lang mag-isa sa bahay, na-suffocate,” wika ni Fire Marshall Supt. Arturo Marcos.
Sinabi ng mga imbestigador na posibleng kagagawan ng tumamang kwitis sa bahay ng biktima ang dahilan ng sunog at nadamay ang may 15 bahay na kalapit ng pamilyang Lanora at nasa 30 pamilya ang nawalan ng tirahan na ngayon ay nasa evacuation center.
Sa Caloocan City, ang mga sinindihang kawad ng telepono ang dahilan ng pagkasunog sa isang commercial area sa Sangandaan, Barangay 74 na tumagal ng 20 minuto ang apoy bago ito tuluyang napatay.
Sa Novaliches, Quezon City, nasunog ang mga barracks ng mga construction workers matapos tamaan ng baga ng kwitis kamakalawa ng gabi.
Nabatid na dakong alas-10:00 ng gabi, nang sumiklab ang apoy sa barracks ng mga tauhan ng isang construction company na pag-aari ni Engr. Virgilio Ranay na makikita sa Sagittarius at Asteroid St., Remarville Brgy. Bagbag.
Sampung barracks at quarters ang naabo sa sunog at nadamay din ang talyer na pag-aari ng kumpanya ni Engr. Ranay.
Dahil abala sa pagsalubong sa Bagong Taon ay hindi agad napansin ng mga residente ang sunog kaya mabilis na kumalat ang apoy na umakyat sa ikatlong alarma at idineklarang fire out dakong alas-12:40 ng madaling araw.
Wala namang naiulat na nasawi o kaya’y nasaktan sa nasabing sunog at inaalam pa kung magkano ang halaga ng natupok na ari-arian.