Naputol na braso ng pasahero sa MRT, muling naikabit

MANILA, Philippines — Naikabit muli ang brasong naputol sa isang babaeng pasahero ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na nahulog sa pagitan ng dalawang bagon matapos itong mahilo noong Martes ng hapon sa Ayala station.

Sa ulat ni Department of Transportation (DOTr) Usec. Cesar Chavez, maganda ang kinalabasan ng operasyon kay Angeline Fernando, 24, dalaga sa Makati Medical Center dahil naikabit muli ang kanyang naputol na braso.

Sinimulan ang ­operasyon kay Angeline dakong alas-8:00 ng gabi kamakalawa at natapos ng alas-3:00 ng madaling araw kahapon. 

Tiniyak din ni Chavez sa magulang ni Angeline na sina Jose Jr. at Gloria Fernando, na patuloy ang gagawing pagtulong ng DOTr sa kanilang anak hanggang makalabas ito ng pagamutan.

Si Angeline, na nag-iisang anak at breadwinner ng pamilya, ay nagtatrabaho bilang software engineer sa isang Makati-based IT company.

Ayon sa mga magulang ni Angeline, madalas mahilo ang kanilang anak kapag maraming tao kaya’t kapag sila ay nagsisimba ay lumalabas siya dahil nahihirapang huminga.

Pinatunayan naman ng mga kaibigan at kaklase ni Angeline na madalas itong mahilo dahil sa pagiging low blood nito.

Show comments