MANILA, Philippines — Napatay sa sagupaan ng tropa ng pamahalaan ang 12 pang Maute stragglers habang nagsasagawa ng clearing operations sa main battle area sa Marawi City, kamakalawa.
Kinilala ang 12 sa mga nasawi na sina Ibrahim Maute alyas Abu Jamil, pinsan ng Maute brothers na sina Omar at Abdulkhayam Maute; pawang namuno sa Marawi City siege.
Batay sa ulat ni AFP Western Mindanao Command Commander Lt. Gen. Carlito Galvez Jr., nagsimula ang bakbakan kamakalawa ng umaga na umabot hanggang hapon at nang magsagawa ng clearing operations ay nakuha ang 8 bangkay ng Maute-ISIS stragglers sa Building 10 habang apat pang bangkay ay nakuha sa Building C26.
Ang pinangyarihan ng bakbakan ay pinagtataguan ni Malaysian Jemaah Islamiyah (JI) terrorist Amin Baco na huling nakitang nagtatakbo sa pagtatago sa loob ng gusali kung saan nagkaroon ng mainitang putukan.
Binigyang diin ni Galvez na sa oras na matagpuan na si Baco ay tuluyan na nilang mawawasak ang chain ng nalalabi pang Maute-ISIS stragglers at maging ang Abu Sayyaf Group sa Mindanao.
Anya, hinala nila na patay na si Amin Baco matapos na makasagupa ang Scout Rangers at 55th Infantry Battalion ng Philippine Army sa nalalabi pang gusali sa may pantalan na pinagtataguan ng Maute-ISIS stragglers.