Huli sa aktong ide-deliver…
MANILA, Philippines — Hindi na nagawang magmaang-maangan pa ng 68-anyos na lola at tatlo pang kasama nito matapos silang matimbog ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ide-deliver sana nilang droga na nagkakahalaga ng P6-milyon, sa Naga City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni PDEA Director, General Aaron Aquino ang mga nasakoteng suspek na sina Olivia Encinas, 68, ng San Pedro, Laguna; Rodi Gundo, 34, ng Tipas, Taguig City; Joel Saut, 35 at Alvin Andaya, 37, kapwa ng Amadeo, Cavite.
Ayon kay Dir. Aquino, ang apat ay nadakip dakong alas-8:00 ng gabi habang sakay ng isang taxi sa Almeda Highway, Naga City.
Nakatanggap ng impormasyon ang PDEA na ibebenta sana ang nasabat na droga sa ilang parukyano ng apat sa Naga City kaya agad na nagsagawa ng operasyon makaraang matukoy ang sinasakyan ng mga ito.
Pinara ng mga awtoridad ang sinasakyan ng apat at siniyasat ang kanilang mga dalang gamit at doon tumambad ang ilang plastic packs na naglalaman ng droga na tinatayang nagkakahalaga ng P6-milyon.
Nabatid naman mula sa PDEA-Camarines Sur, ang grupo ng mga suspek ang sinasabing isa sa malalaking supplier ng illegal na droga sa Bicol at Visayas Region
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang apat habang sila ay nananatiling nakakulong sa PDEA detention facility.