MANILA, Philippines — Tuluyan nang nasibak sa pagiging presidential spokesman si Ernesto Abella matapos na italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakalawa ng gabi si House Deputy Minority Leader at Akbayan Party-list Harry Roque bilang kanyang bagong tagapagsalita.
Mismong si Duterte ang naghayag sa pagkakatalaga kay Roque sa dinner para sa kaarawan ni Roque sa Davao City.
Sinabi ng Pangulo na hindi na congressman si Roque at isa na itong secretary.
Ikinumpara pa ng Pangulo ang paraan ng pagsasalita nito kay Roque at sinabing parehong malikot ang kanilang bunganga.
“Sabi ko Harry will fit the (job)…kasi medyo malikot ang bunganga namin,” pahayag ng Pangulo.
Inihayag din ng Pangulo na dadalo si Roque sa Cabinet meeting sa Malacañang sa Nobyembre 6 pagkatapos ng kanyang biyahe sa Japan.
Kinumpirma naman ni Roque na tinanggap na niya ang alok ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging Presidential Spokesperson.
“After much deliberation and careful consideration, I have decided to accept the President’s offer to be his spokesperson, as was announced by the President himself last night (Friday),” pahayag ni Roque .
Sinabi ni Roque na tinatanggap niya ang posisyon pero hindi umano magbabago ang kanyang posisyon tungkol sa karapatang pantao. Naniniwala siya na dapat binibigyan ng proteksyon ang karapatang pantao para sa lahat ng mamamayan.
Binigyang-diin ni Roque na sa pagtanggap niya ng posisyon, hindi nangangahulugan na binabalewala na niya ang mga nangyayaring karahasan na kaakibat ng anti-drug campaign ng gobyerno o kaya ay isulong pa ito. Kahit pa aniya siya ay miyembro ng Gabinete o hindi, patuloy niyang pahahalagahan ang karapatan ng lahat ng tao na mabuhay ng may dignidad at hindi niya sinusuportahan ang pagpatay ng gobyerno sa sinuman.