MANILA, Philippines — Tinanggal na sa serbisyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang general ng Philippine National Police (PNP) na umano ay sinasabing kabilang sa mga tinatawag na “narco-generals”.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella matapos na pirmahan ng Office of the Executive Secretary noong Huwebes ang kasulatan sa pagsibak sa serbisyo nina dating National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Joel Pagdilao at dating Quezon City Police District (QCPD) head Chief Supt. Edgardo Tinio.
Sinabi ni Abella na ang pagsibak sa serbisyo sa dalawang police general ay napatunayang “administrative liable” dahil sa iregularidad at pagpapabaya sa kanilang tungkulin.
“Evidence shows both generals deliberately refused, without cause, to perform their duties as police officers, resulting in the proliferation of drug in their areas of jurisdiction,” wika ni Abella sa isang news conference sa Malacañang kahapon.
Ang pagsibak sa mga nasabing opisyal ay base na rin sa pangako ng Pangulo na tiyaking masasawata ang krimen at korapsiyon sa bansa.
May mga ebidensiya rin aniyang nagpapakita na sinadya ng dalawang heneral na huwag gawin ang kanilang trabaho kaya kumakalat ang ilegal na droga sa nasasakupan nilang lugar.
Magugunita na noong nakaraang taon ay isinapubliko ni Pangulong Duterte na sina Pagdilao at Tinio ay protektor ng droga at kasama din sina Chief Supt. Bernardo Diaz at mga nagretirong sina Chief Superintendents Vicente Loot at Marcelo Garbo.