MANILA, Philippines — Dinagdagan pa ng Estados Unidos ang surveillance support sa Pilipinas makaraang magpadala ng isang “unmanned aircraft” sa Mindanao bilang suporta laban sa terorismo.
Ayon sa kalatas ng United States Embassy kahapon, inihayag na idineploy na nila ang kanilang makabagong Gray Eagle Unmanned Aircraft System (UAS) sa Mindanao kabilang na ang Marawi City kung saan may nagaganap na bakbakan laban sa Maute-ISIS inspired group upang magsagawa ng karagdagang surveillance bilang suporta sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kumpara sa kasalukuyang surveillance platforms sa nasabing rehiyon, ang Gray Eagle umano ay mas mahaba ang “flight duration” at malawak ang lugar na makukunan ng reconnaisance at surveillance nito.
Sinabi ng Amerika na sa loob ng tatlong nagdaang taon, nakapagbigay ng ayuda ang US ng umaabot sa halagang P15 bilyon para sa pagtatatag at paglalagay ng mga command, control. communications, computer, intelliegence, surveillance at reconnaisance capabilities para sa AFP.
Nabatid na pinakahuling idineliber ng Amerika sa Pilipinas ay ang Raven Tactical UAS at isang Cessna-208B surveillance aircraft kasama na ang iba’t ibang “ammunitions” at “weapons” upang suportahan ang mabilisang pangangailangan ng bansa sa depensa at counter terrorism.