MANILA, Philippines - Matapos magbago ng timpla si Pangulong Rodrigo Duterte nang makaharap at makapulong ang mga ipinatawag na mambabatas ay hindi pa puwedeng magsaya si Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Ayon kay Senator Tito Sotto, matapos na makaharap ni Duterte ang mga senador at kongresista kaugnay sa kontrobersyal na pagkakalusot ng P6.4 bilyong illegal drugs sa Bureau of Customs (BOC), nag-iba ng desisyon ang Pangulo mula sa kanyang unang pahayag na hindi niya sisibakin sa puwesto si Faeldon.
Nang magawi sila sa usapin sa drug controversy ng BOC, sinabi ng Pangulo na hihintayin muna niya ang resulta ng imbestigasyon ng Kamara at Senado kaugnay sa pagkakalusot ng 604 kilong shabu mula China bago umano siya tuluyang gumawa ng panibagong aksyon.
Posibleng pagbasehan na umano ng Pangulo ang isusumiteng pinal na “committee report” ng dalawang kapulungan ng Kongreso na nagsasagawa ng pagdinig hinggil sa P6.4 bilyong droga nasamsam sa raid sa warehouse sa Valenzuela kung tuluyan nang matatanggal sa BOC si Faeldon.