MANILA, Philippines - Ilang bagong kubol ang nadiskubre kahapon sa ginawang Oplan Galugad sa New Bilibid Prisons (NBP).
Kaya agad na iniutos ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang imbestigasyon kung paanong naitayo ang nasabing mga kubol na nasa loob ng medium security compound.
Naka-airconditioned umano ang mga kubol at tiyempong itinayo kung kailan inilipat sa medium security compound ang ilang mga high profile drug convict na galing ng Building 14 at maximum security compound.
Giit ni Aguirre, indikasyon ito na hindi lamang pagbabalik ng illegal drugs ang nangyayari sa loob ng NBP kundi ang pagtatayo ng mga bagong kubol.
Lumalabas umano na ang mga kubol na hindi mabatid pa kung ilan at kung sino ang mga may-ari ay naitayo noong panahon ng pamumuno ng nagbitiw na si BuCor Director Benjamin delos Santos.
Hindi rin malinaw kay Aguirre kung bakit ang mga high profile drug lords ay inilipat sa medium security mula sa Bldg 14 at maximum security.
Posible umanong galing sa dating namuno nito na si Delos Santos ang pumayag ng paglilipat dahil hindi na umano siya nakikialam sa lipatan kung sa loob lamang ng NBP penitentiary.