MANILA, Philippines - Sa unang 6 buwan bilang chief executive ay nadagdagan ng P3 milyon ang net worth ni Pangulong Rodrigo Duterte batay sa kanyang latest Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) sa 2016.
Batay sa SALN ni Pangulong Duterte, umaabot sa P27,428,862.44 ang dineklara nitong total assets na mas mataas ng P3.3 milyon mula sa P24,080,094.04 na dineklara niya noong June 2016 matapos maupo bilang pangulo ng bansa.
Nagdeklara din si Duterte ng P1 milyon na liabilities dahil sa kanyang personal loan mula kay Samuel Uy.
Sa isinumiteng 2016 Statement of Election Contributions and Expenditures nito sa Commission on Elections (Comelec) ay nakalista ang isang Samuel Uy bilang isa sa kanyang campaign contributor na nag-donate ng P30 milyon ng tumakbo siya sa 2016 presidential elections.
Ang idineklara ni Pangulong Duterte na cash on hand/in bank ay P18,453,862.44 nitong December 31, 2016 ito ay mas mataas ng P3.1 million sa P15,305,094.04 cash on hand na dineklara niya noong June 2016.
Idineklara din ng Pangulo na pag-aari ang ilang properties sa Davao City kabilang ang 2 kotse niyang Volks Sedan na nabili niya noong 1978 at Toyota Rav 4 noong 1996.
Nakalista din sa SALN nito ang 7 kaanak na nasa gobyerno na kinabibilangan nina Sara Duterte Carpio (daughter) - Mayor of Davao City; Paolo Duterte (son) - Vice Mayor of Davao City; January Duterte (daughter-in-law) - City councilor/Barangay captain in Davao City; Benjamin Duterte (brother) - Private Secretary, City Mayor’s Office; Wilfrido Villarica (nephew) - Administrative Office, Davao City Sangguniang Panlungsod; Jean Villarica (wife of Wilfrido) - Auxiliary worker, CENRO, Davao City at Agnes Reyes Carpio (balae) - Justice, Court of Appeals.