3 lalaki todas sa pamamaril sa QC

MANILA, Philippines - Tatlong lalaki ang nasawi sa tatlong magkakahiwalay insidente ng pamamaril sa Quezon City.

Batay sa ulat, dakong alas-5:30 ng umaga nang lapitan at barilin ng hindi pa kilalang salarin ang biktimang si Ronald Aquino, 48, ng Saint Vincent St., Brgy. Holy Spirit sa gilid ng isang drug store at grocery may no. 7 BF Road kanto ng Commonwealth Avenue na kung saan namatay ito noon din.

Narekober sa crime scene ang tatlong basyo ng kalibre. 45 baril, isang depormadong basyo ng kalibre. 9mm at isang bala.

Siyam na tama ng bala sa buong katawan ang tumapos sa buhay ng 18-anyos na si Lester Von Copta, ng Apple St., Brgy. Commonwealth nang ito ay barilin ng angkas sa motorsiklo habang tumutulong sa kanyang tatay  sa pagbabalot ng kanilang panindang bibingka sa kanilang garahe kamakalawa ng alas-11:30 ng  gabi.

Kuwento ng tatay ng biktima na si Mang Rico, kasalukuyan siyang nagluluto ng bibingka habang ang kanyang anak ay nagpuputol naman ng dahon ng sa­ging nang dumating ang isang motorsiklo at huminto sa kanilang garahe.

Bumaba mula sa motorsiklo ang backrider saka pinagbabaril ang kanyang anak na namatay noon din.

Ang ikatlong insidente ay naganap dakong alas-9:30 ng gabi nang pagbabarilin at mapatay ang negosyanteng si Elmer Lao, 41, ng Alley West 2, Brgy. Holy Spirit sa may footbridge ng Sandigan.

Naglalakad ang biktima kasama ang dalawang kaanak nang makasalubong ang suspek na inilarawan na may taas na 5’7” hanggang 5’8”, nakasuot ng jacket at facemask at walang kaabog-abog na  pinagbabaril ang una.

Wala ng nagawa ang dalawang kasama ng biktima habang tinitignang naglalakad palayo ang suspek.

Show comments