MANILA, Philippines - Nakatakdang bumisita sa bansa ang mga barkong pandigma ng China para sa goodwill visit nito.
Gayunman, hindi tulad ng ibang mga dayuhang warships mula sa mga kaalyadong bansa ng Pilipinas na dumadaong sa Manila at Subic Bay sa Zambales ay sa Davao City ito dadaong sa mismong lupang tinubuan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais makipagkaibigan sa China.
Sinabi ni Captain Ramil Roberto Enriquez, Commander ng Naval Forces Eastern Mindanao na ang warships na Flotilla ng China People’s Liberation Army- Navy Task Group 150 ay dadaong sa Sasa Wharf Davao City bukas, araw ng Linggo (Abril 30) ng taong ito.
Ang Chinese Flotilla ay binubuo ng guided-missile destroyer Chang Chun (DDG 150), guided missile frigate Jin Zhou (FFG 532) at replenishment ship Chao Hu (890).
Ayon kay Enriquez, naghanda sila ng isang simpleng welcome ceremony at port briefing sa pagdating ng mga warships ng China sa Davao City.
Samantalang magkakaroon din ng customary meeting procedure sa bisinidad ng northern Davao Gulf para sa tatlong barkong pandigma ng China.
Nabatid pa na ang Flotilla ng mga barkong pandigma ng China ay pinamumunuan ni Rear Admiral Shen Hao, Deputy Commander ng East Sea Fleet ng People’s Liberation Army Navy at Concurrent Commander in Chief ng PLA Navy Task Group 150.