8 pang dawit sa droga, bulagta

MANILA, Philippines -  Napatay  sa magkakahiwalay na  anti-drug operations ang walong mga ‘tulak’ ng droga na isinagawa ng mga awtoridad  sa lalawigan ng Batangas, Laguna at Cavite , ayon sa ulat kahapon.

Sa report ni  Senior Supt. Randy Peralta, Provincial Director ng Batangas Police, sa serye ng ‘Oplan Crackdown/ One Time Big Time Operations’ o ang pinaigting na anti-drug at anti-criminality operations sa buong  lalawigan ng Batangas  ay limang drug pushers ang napatay at 12 pang suspek ang nasakote bago mag-alas -12 ng tanghali nitong Huwebes.

Bandang alas-3:20 ng madaling araw naman kahapon nang mapatay ang suspek na si Ariel Pulhin sa shootout sa bayan ng Mabini habang sumunod naman ilang minuto lamang  matapos ang operasyon ang iba pang suspek na sina Wilfredo de Castro na  kumasa sa buy bust operation sa Nasugbu at Jay Fuentes sa Balayan.

Samantalang ang isa pa na si Roderick Villadolid ay nasawi  matapos na pumalag sa mga awtoridad  at makipagbarilan sa bayan ng Mataas na Kahoy dakong alas-8 ng umaga kahapon.

Ayon sa opisyal ang mga suspek na pawang nasa drug watchlist ng pulisya ay pawang nanlaban sa Oplan Crackdown na inilunsad ng kanilang mga anti-drug operatives.

Nasamsam sa isinagawang mga operasyon ang 5.89 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P10,000 at 13 sari-saring uri ng mga baril at mga granada.

Bago ito, napaslang ang drug pusher na si Enrico Ricasa, 57,  sa buybust operation  matapos na manlaban sa mga operatiba ng  pulisya sa Kawit, Cavite dakong alas-6:40 ng gabi.

 Iniulat naman ni Sr. Supt. Cecilio Ramos Ison Jr., Acting Provincial Director ng Laguna Police, bandang alas-2 naman ng madaling araw  nang magsagawa ng buy bust operation  na nauwi sa shootout ang kaniyang mga tauhan sa  Brgy. Caingin, Sta Rosa City, Laguna.

Sa nasabing operasyon ay napaslang ang dalawang drug pu­shers, isa rito ay kinilala sa alyas na Ramz habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa pa sa mga nasawi habang nakatakas naman ang isa sa kanilang mga kasamahan.

Nagpapatuloy naman ang pinaigting na anti-drug operations ng pulisya upang matuldukan ang malalang problema sa droga na target wakasan ng administrasyon sa loob ng isang taon matapos itong palawigan ng anim pang buwan.

Show comments