MANILA, Philippines - Matapos na payagang magpiyansa ng korte, pinalaya pansamantala si Police Supt. Lito Cabamongan ang opisyal na nahuli sa pot session sa Las Piñas City noong nakalipas na buwan ng Marso.
Si Cabamongan, 50 ay pinayagan ni Judge Lorna Domingo, ng Las Piñas City RTC, Branch 201 na makapaglagak ng piyansang nagkakahalaga ng P240,000, kung kaya’t Biyernes ng hapon ay pinalaya rin ito dahilan isang bailable offense ang kasong kinakaharap nito.
Nabatid, na si Cabamongan ay sinampahan ng kasong paglabag sa Section 12 at 15 ng Republic Act 9165 (Dangerous Drug Act of 2002).
Ang opisyal ay inaresto ng mga kagawad ng Las Piñas City Police kasama ang isang Nedy Sabdao, 44 habang naaktuhan ang mga itong sumisinghot ng shabu sa Block 16, Lot 14, Everlasting Homes, Brgy. Talon 4 ng naturang siyudad noong Marso 30 ng taong kasalukuyan.
Kaugnay nito, isasailalim muna sa kustodya ng PNP Holding Center sa Camp Crame si Cabamongan kaugnay ng kinakaharap naman nitong kasong administratibo.