Trahedya ng Biyernes Santo... 9 katao nilamon ng dagat
MANILA, Philippines - Nauwi sa trahedya ang outing ng ilang pamilya matapos na malunod ang siyam katao sa beach resort sa magkakahiwalay na insidente sa trahedya ng Biyernes Santo sa lalawigan ng Cavite, Batangas, Pangasinan ayon sa ulat kahapon.
Iniulat ng Batangas Police ang pagkalunod ng anim na taong gulang na si Girlie Talag sa karagatan ng Rosman Beach Resort sa Brgy. Nonong Castro, Lemery bandang ala-1 ng hapon. Ilang minuto pa lamang ang nakakalipas ay sumunod namang malunod ang binatilyong si Piolo Pilapil, 16 anyos sa karagatan ng isa ring resort sa Brgy. Bagong Silang ng nasabi ring bayan.
Sa bayan ng Balete, Batangas bandang alas-4:30 naman ng hapon ng nalunod sa lawa sa Brgy. San Sebastian ng bayang ito ang biktimang si Freddie Fernandez.
Nalunod naman habang naglalangoy sa isang resort sa Brgy. Sabang, Dasmariñas City, Cavite ang biktimang si Noel Anthony Restauro dakong ala-1:30 ng madaling araw.
Samantalang bandang alas-2:30 naman ng hapon ng maitalang malunod din sa Malibic-Libic falls sa Brgy. Lumipa, General Aguinaldo ang isa pang biktima na nakilala namang si Karl Gamaliel Demillo, 21 taong gulang.
Sa lalawigan ng Pangasinan, magkakasunod namang nalunod ang apat pang biktima kabilang ang 7 anyos na si Oliver Abaoag, Grade 1 pupil sa swimming pool sa Tavera West Poblacion District 1, Pozorrubio.
Bandang alas-2:30 din nang hapon nang malunod ang lasing na biktimang si Louive Aviles, 34 anyos, obrero nang magpumilit itong tumawid sa Agno River hanggang sa tangayin ng malakas na agos sa bahagi ng Brgy. Domalandan East, Lingayen.
Samantalang bago ito, dakong alas-12:10 din ng hapon ay nalunod din sa Agno River sa bahagi naman ng Brgy. Laoac, Alcala, Pangasinan ang biktimang si Marjun Alnas, 26 anyos habang dakong ala-1:30 naman ng hapon ng marekober ang bangkay ni Artemio Villegas, 35 anyos, magsasaka ng malunod sa Lim-Mingaleng River.
- Latest