MANILA, Philippines - Nagpalabas na rin ng travel warning ang gobyernong Australia para sa kanilang mamamayan na nasa Pilipinas na huwag magtungo sa Central Visayas at ilang parte ng Mindanao dahil sa mataas na banta ng terorismo at kidnapping.
“Pay close attention to your personal security at all times and monitor the media about possible new safety or security risks,” ayon sa advisory.
Sinabi sa advisory na dapat na maging alerto at pag-aralan ng mga Australian citizens ang kanilang travel plan sa Central Visayas lalo na ang pagbisita sa Cebu at Bohol na sinabing target ng ekstremistang grupo na magkahasik ng karahasan at pagdukot sa mga dayuhan lalo na sa mga coastal resorts at iba pang liblib na lugar.
Bukod sa Central Visayas, hinimok din ang mga Australians na irekonsidera na tumungo na lamang sa Eastern Mindanao at huwag bumiyahe sa Central at Western Mindanao dahil umano ang mga mataas na banta ng pag-atake dito.
Ang babala ng Australia ay kasunod sa inilabas na travel warning ng US para sa mga Amerikano na nag-aatas na umiwas sa pagtungo sa Central Visayas dahil sa banta ng kidnapping na kinumpirma naman ni PNP chief Ronald dela Rosa.