MANILA, Philippines - Isang 6-anyos na batang lalaki ang nasa kritikal na kondisyon matapos na pumutok ang baril na pinaglalaruan nito sa bahay ng isang konsehal sa Brgy. Lingasad, Polanco, Zamboanga del Norte kamakalawa ng gabi.
Ang biktima na dinala sa Zanorte Medical Center dahil sa tama ng bala sa tiyan ay kinilalang si James Owen Bonifacio Cruz.
Batay sa ulat bago nangyari ang insidente bandang alas-6:00 ng gabi ay kararating lamang ni Brgy. Councilor Rudy Verances, 33 sa kaniyang bahay nang biglang umalingawngaw ang isang malakas na putok ng baril sa kanilang silid.
Nang tunguhin ang silid ay tumambad ang duguang biktima na naputukan. Ang bata ay apo ni Norma Prieto, 52, kasambahay ng pamilya ng konsehal.
Ang nasabing baril ay pag-aari ng nasabing konsehal kung saan ay sinasabing itinapon nito ang armas habang patungo sila sa hospital.