MANILA, Philippines - Para umano matugunan ang suliranin sa mental health ay naglaan ang Department of Health ng P100 milyon pondo.
Ito ang sinabi ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial bilang hakbang sa report ng World Health Organization na tumaas ng 18 porsiyento ang bilang ng mga nakaranas ng depression sa buong mundo mula 2005 hanggang 2015 na nagreresulta sa pagpapakamatay.
Ngayong araw ay ipinagdiriwang ng WHO ang World Health Day na nakatuon sa paano magagamot ang problema sa depresyon.
Sa datos noong 2005 ay 280 milyon ang nakaranas ng depresyon habang noong 2015 ay 332 million na banta sa mga kabataan at hindi rito ligtas ang Pilipinas.
Ayon naman kay Dr. Eric Tayag, tagapagsalita ng DOH, nangunguna sa dahilan ng pagkakaroon ng depression ay ang pag-ibig, same sex relationship, unplanned pregnancy, problema sa eskuwelahan, pamilya at health problems.
Kabilang sa sintomas na dumaranas ng depresyon ang isang tao ay ang hindi na ginagawang normal na aktibidad sa araw-araw tulad ng paliligo, hindi pagkain, laging malulungkutin at hindi masyadong makausap.
Ayon sa DOH, nagagamot ang depresyon sa pamamagitan ng counselling.
Sa mga nakararanas naman nito, maaaring tumawag sa HOPELine ng DOH na 02 5584675; 09174673 o sa Globe text line 2919 na bukas 24/7.