MANILA, Philippines - Dinumog ng mga lokal at dayuhang turista ang pinakamalaki at pinakamakulay na pagdiriwang ng Dinamulag Festival 2017 kahapon sa People’s Park, Iba, Zambales.
Sa taunang selebrasyon para sa higit pang masaganang pag-ani ng itinuturing na pinakamatamis na mangga sa buong bansa.
Sinabi ni Zambales Governor Amor Deloso na isa itong paraan upang maipamalas ang kanilang kasiyahan sa masaganang ani partikular na ang ipinagmamalaking mangga ng lalawigan.
“Kilala ang Zambales hindi lamang sa biyayang tinamasa namin bilang may pinakamalinis at tila walang katapusang dalampasigan sa buong bansa kung hindi lalo na para sa aming pinakamatamis na mangga sa buong mundo. Ito ang ipinagmamalaki at likas na ani ng aming lalawigan na Dinamulag,” ani Deloso.
Itinatampok sa selebrasyon ang malagintong balat ng Dinamulag at ng matamis na amoy nito o kaya ang malutong na manibalang kinalabaw gayon din ang iba pang produktong malilikha mula rito kagaya ng candy, minatamis, jams at iba pa.
Opisyal na sinimulan ang isang linggong selebrasyon ng ribbon cutting ceremony sa Kapitolyo na pinamunuan ni Festival Chairperson Izelle Iamly Deloso kung saan naroroon ang LGU Showcase and Trade Fair. Sinundan ito ng float parade and competition na nagsimula sa Iba Airport patungong People’s Park at ng marching band exhibition bandang hapon. Nagpamalas naman ng kakaibang kagandahan at abilidad ang bawat musa ng 13 munisipalidad para sa Binibining Zambales 2017.