Cesar Reyes, nalo sa ‘right to match’ ng STL sa Batangas!

FLASH Report: Dapat paimbestigahan ni NCRPO chief Dir. Oscar Albayalde ang kumakalat na balita sa Manila Police District (MPD) na may isang pulis na gambling lord na nagbayad ng P500,000 para hindi mapasama sa mga itinapon sa Basilan. Ang pulis ay nakasama noong iharap ang rogue cops kay Pres. Digong sa Palasyo subalit sa naretokeng listahan nabura ang pangalan nito. Ayon sa mga kosa ko, ang gambling lord ay hindi sina SPO4 Roberto “Obet” Chua na taga-CIDG at SPO3 Gener “Paknoy” Presnedi, na kapwa financier ng bookies ng karera sa Maynila. Baka alam ng personnel division chief ng MPD na si Supt. Luig ang pangalan ng gambling lord na pakuya-kuyakoy ngayon sa malamig niyang opisina habang ang mga itinapon sa Basilan ay hindi malaman ang gagawin. Kung sabagay, may 66 na pulis sa MPD ang nasa listahan subalit ni isa ay hindi sumipot sa transfer nila sa Basilan.

                                           -oooooo-

Ang gambling lord na si Cesar Reyes pa rin ang nasa likod ng Small Town Lottery (STL) o jueteng operation sa Batangas . Ito ay matapos ma-“right to match” ni Reyes ang offer ng isang retired police general sa prankisa ng STL sa Batangas. Kung sabagay, hanggang sa ngayon ay puro lumang STL pa ang pinaiiral sa mga probinsya ng Luzon habang sa Visayas at sa Mindanao naman ay expanded STL na. Ang dahilan? Hindi pa kasi nagsumite ng Presumptive Monthly Revenue Receipt (PMRR) ang mga lumang STL operators sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Kaya’t wala pa ring milyones na bond kaya hindi rin makasingil si PCSO chairman Jose Jorge Corpuz ng authorization fee, na halos 25 percent ng bond. Naka-award na kasi ang prankisa ng expanded STL sa retired police general subalit dahil sa tinatawag na “right to match” sa implementing rules and regulations (IRR) ng PCSO, nabalik kay Reyes ang operation ng STL. Kaya nganga ngayon ang retired police general na kaklase ni Corpuz sa Philippine Military Academy (PMA) Class ’82. Boom Panes! Hehehe! Weder-weder lang ‘yan, di ba Sir Dado?

Sinabi ng mga kosa ko na nag-offer ng P124 milyon na bond ang retired police general sa kaklaseng si Corpuz, subalit dahil sa “right to match” sa IRR, nag-counter offer si Reyes ng P125 milyon, ayon sa mga kosa ko. Siyempre, pinaboran ni Corpuz si Reyes at hindi ang kaklase na nawalang parang bula ang ambition niya na kumita ng limpak na salapi na laway lang ang kapital, di ba mga kosa? Kung sabagay, hindi naman mag-“right to match” si Reyes kung sa tingin niya ay hindi kayang kitain ang P125 milyon sa Batangas sa expanded STL. Kaya habang inaayos pa ang takbo ng expanded STL, pasipul-sipol na lang si Reyes at problemahin na lang niya ay ang bagong upo na hepe ng Calabarzon police na si Chief Supt. MaO Aplasca. Alam ko naman mga kosa na may kautusan si PNP chief Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa patungkol sa illegal gambling at maaring si Reyes ang unang habulin ni Aplasca, di ba mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!

Ang balita ng mga kosa ko ang retired police general ay nagbabalak kasuhan sa Ombudsman ang kaklaseng si Corpuz. Sinabi naman ng kausap ko na “no bearing” ang kaso dahil wala namang inilabas na pitsa ang retired police general, saka naka-hold pa ang PMRR sa Luzon area. ‘Ika nga ay mapapagod lang siya at hindi papansinin ng Ombudsman ang ikakaso kay Corpuz. Scary, di ba Vice Pres. Leni Robredo Mam? Hahaha! Mukhang hindi maganda ang umpisa ng expanded STL at pati magkaklase ay nag-aaway na. Boom Panes! Anong sey n’yo mga kosa? Tiyak nakatawa ngayon si Reyes sa sinapit ng police general! Abangan!

Show comments