MANILA, Philippines - Dahil sa pagkabigo umanong maipatigil ang online cockfighting o e-sabong sa off-track betting (OTB) stations na may malaking epekto sa horse racing industry ay kinasuhan ng graft sa tanggapan ng Ombudsman ang matataas na opisyal ng Philippine Racing Commission(Philracom).
Batay sa 14 pahinang reklamo ng Anti-Trapo Movement of the Philippines (ATM) sa pangunguna ng founder nitong si Leon E. Peralta, bigo sina Philracom Chairman Andrew Sanchez at anim pang Commissioners na protektahan ang horse racing industry na isang paglabag sa Republic Act No. 3019 o Graft and Corrupt Practices Act.
Kapwa akusado ni Sanchez sina Commissioners Bienvenido Niles Jr., Wilfredo De Ungria, Victor Tantoco, Jose Gutierrez Santillan Jr., Lyndon Noel Guce at Ramon Bagatsing Jr.
Nawawala anya sa pamahalaan ang may P350 milyong pondo na sana ay nakolektang buwis mula nang simulan ang operasyon ng e-sabong sa OTBs noong December 2015. “We are filing this complaint not only to help the government recover much-needed revenues but also to support President Duterte’s campaign against illegal gambling, because we believe that online sabong is illegal,”wika ni Peralta.