MANILA, Philippines - Nadakip sa entrapment operation ang dalawang pulis-Maynila na sangkot sa extortion sa mga motorista partikular na ang mga taxi drivers ng binuong Counter Intelligence Task Force (CITF) ng Philippine National Police (PNP) sa Malate, Maynila kamakalawa.
Kinilala ni PNP-CITF Commander P/Sr. Supt. Chiquito Malayo ang nasakoteng mga suspect na sina SPO2 Rodito Magluyan at PO3 Rowel Candelario; pawang miyembro ng Manila Police District (MPD) Station 9.
Ang dalawang pulis ay nasakote kamakalawa sa kahabaan ng Quirino Avenue kanto ng Mother Ignacia Street sa Malate,Manila.
Ang CITF ay binuo ni PNP Chief P/Director General Ronald “Bato’ dela Rosa kaugnay ng pagwawalis sa hanay ng mga scalawags sa pambansang pulisya.
Sinabi ni Malayo na ang dalawang pulis ay inaresto matapos silang makatanggap ng report hinggil sa talamak na umano’y pangingikil ng mga ito sa mga motorista na karamihan ay mga taxi drivers tuwing disoras ng gabi o madaling araw.
Inaresto ang mga ito sa aktong tinatanggap ang P250.00 mula sa poseur driver ng pulisya.
Dinala sa Camp Crame at maging ang marked money na narekober mula sa dalawang pulis kung saan lumitaw na positibo ang mga ito sa ultra violet powder.
Nahaharap ngayon sa kasong robbery/extortion ang dalawang nasakoteng mga scalawags na parak na patuloy na isinasailalim sa masusing imbestigasyon.