3,000 pamilya nasunugan sa parola
MANILA, Philippines - Nasa 3,000 pamilya sa Parola, Tondo, Maynila ang nawalan ng bahay sa naganap na sampung oras na sunog na nagsimula kamakalawa ng gabi at idineklarang fireout kahapon ng umaga.
Umaabot din umano sa 21 ang nasugatan kabilang ang 16 bumbero na nagtamo ng minor injuries.
Sa ulat, dakong alas-9:41 ng gabi nang sumiklab ang apoy mula sa bahay ng isang Lola Adan na mabilis na kumalat ang apoy sa katabing kabahayan na pawang yari sa kahoy sa Area B, Gate 10, Parola, Tondo, na umakyat ang alarma sa Task Force Delta.
Nahirapan sa pag-apula ng apoy ang mga bumbero dahil masisikip ang mga daanan na nakaantala sa paglabas at pagpasok ng mga trak na naubusan ng tubig.
Kahapon ng alas-7:25 ng umaga nang maideklarang fire-out ang sunog na tinatayang nasa P6 milyon ang halaga ng napinsalang ari-arian.
Patuloy ang imbestigasyon upang malaman ang sanhin ng sunog sa bahay ni Lola Adan.
- Latest