MANILA, Philippines - Dapat munang suspendihin ang kasunduang pinasok ng gobyerno sa proyekto ng pagtatayo ng common station ng MRT at LRT.
Ito ang hiniling ni PBA partylist Rep. Jericho Nograles kay Transportation Secretary Arthur Tugade at dapat plantsahin muna ang lahat ng kontrobersyal na isyung bumabalot sa proyekto bago isakatuparan at hindi rin ito dapat madaliin dahil balido ang mga isyung kinukuwestyon dito ng mga mambabatas.
Magugunita na mismong sina House Speaker Pantaleon Alvarez at House Committee on Metro Manila Development chairman Winston Castelo ang tumututol sa memorandum of agreement (MOA) ng DOTR sa malalaking negosyante na nilagdaan nitong nakaraang linggo.
Isa sa mga isyung pinag-usapan sa MOA ay ang paglaki ng gagastusin dito na aabot ng P2.8 bilyon piso mula sa dating mahigit P700 milyon lamang.
Naniniwala din na ang interes ng mga negosyante ang nangibabaw sa MOA at hindi ang sa pasahero ng MRT at LRT na maglalakad pa din ng malayo kapag natapos ang common station.