MANILA, Philippines - Isang AWOL (Absence Without Official Leave) na bagitong pulis ang nasawi makaraang tambangan ng riding-in-tandem na suspects sa kahabaan ng Ortigas Avenue Extension, Brgy. Sta Lucia, Pasig City nitong Biyernes ng hapon.
Sa ulat ng pulisya, nakilala ang nasawi na si PO1 Marlon Nartates, PNP member na dating nakatalaga sa Rizal Provincial Police Office (PPO). Bandang ala-1:20 ng hapon nang mangyari ang krimen sa kahabaan ng Ortigas Avenue Extension sa panulukan ng Countryside, Brgy. Sta Lucia, Pasig City.
Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang naghihintay ng masasakyan ang biktima sa nasabing lugar nang biglang huminto ang tatlong motorsiklo sa tapat ng kinatatayuan nito.
Armado ng hindi pa natukoy na kalibre ng armas ay bigla na lamang pinagbabaril ng mga suspek ang biktima na duguang bumulagta at binawian din agad ng buhay.
Nabatid pa na ang nasawi ay dating driver/bodyguard ni Acsaimin Buratong, alyas Macmac, sangkot sa illegal drug trade na nagsasagawa ng operasyon sa Pasig City at mga kanugnog na lungsod sa Metro Manila at maging sa lalawigan ng Rizal.
Sa tala ng pulisya, si Acsaimin ay pamangkin ni Amin Buratong, isang notoryus na drug lord na nasakote sa raid sa shabu tiangge sa Pasig City noong 2007.
Sa kasalukuyan ay nakaditine si Acsaimin sa Bureau of Corrections sa Bureau of Corrections sa Muntinlupa City matapos itong mahatulang guilty sa kasong may kinalaman sa illegal drug trade.
Inaalam pa naman ng pulisya ang motibo sa isinagawang pagpaslang sa biktima.