MANILA, Philippines - Agad na humingi ng pasensiya si Pangulong Rodrigo Duterte sa magiging “collateral damage” nang iutos nito na bombahin ang mga teroristang tumatakas kahit kasama ang kanilang mga bihag upang sa ganun ay matigil na ang kidnapping sa karagatan.
Ito ang sinabi ni Pangulong Duterte sa mga negosyante ng Davao City kamakalawa ng gabi ay ipinaalam na niya sa Indonesian at Malaysian counterparts na pasasabugin ng kanyang puwersa ang mga kidnappers na dumukot sa mga sailors habang hinahabol ang mga ito sa karagatan at dadalhin ang mga kidnap victim sa Mindanao.
“Ako, ang order ko talaga sa Navy, sa Coast Guard, basta na-kidnap tapos trying to escape, pasabugin mo na silang lahat. Sabi nila sa hostage…sorry, collateral damage. Then if they are blasted everyday, that would stop, or, at least, places us in a very—and into a parity. Hindi ka lalamang sa kalokohan mo, pasabugin kita. Kaya huwag kayong magpa-kidnap, sa totoo lang,” wika pa ni Duterte.
Aniya, hindi na magagawa ng mga kidnappers na humingi pa ng ransom money dahil habang nasa dagat pa lamang sila ay pasasabugin na sila kasama ng kanilang kidnap victim.
“You can’t gain mileage for your wrongdoing, I will really have you blasted,” paliwanag pa ng Pangulong Duterte.
Ang payo rin ni Duterte sa mga potential victim ay huwag nilang payagan na makidnap sila ng mga bandido.
Naalarma na ang gobyerno gayundin ang Malaysia at Indonesia dahil sa walang-tigil na pagdukot ng mga bandido partikular ang Abu Sayyaf Group para sa kidnap for ransom.
Noong Sabado ay pinalaya ng Abu Sayyaf ang kanilang bihag na Korean captain at Filipino crew matapos magbayad ng ransom na dinukot ng bandido may 3 buwan na ang nakakaraan.