MANILA, Philippines – Kinumpirma kahapon ng Philippine National na napatay sa engkuwentro ang top leader ng pro-ISIS terror group Ansar al-Khilafah Philippines (AKP) na umano’y may ugnayan sa Islamic State of State of Iraq and Syria (ISIS) habang naaresto ang tatlo nitong kasamahan matapos na makasagupa ang security forces sa Kiamba, Sarangani kahapon ng madaling araw.
Ang napatay na suspek ay kinilalang si Mohammad Jaafar Maguid alyas Tokboy, lider ng nasabing teroristang grupo na nago-operate sa Central Mindanao.
Ayon kay Sr. Supt. Romeo Galgo, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 12, arestado rin sa operasyon ang mga tauhan ni Maguid na sina Ismael Sahak alyas Mael, Matahata Dialawe Arboleda at Morhaban Veloso alyas Bugoy.
Ang suspek ay isang sympathizer ng ISIS na bagaman sinasabi nito na may ugnayan sa nasabing teroristang grupo ay patuloy nilang beneberipika kung talagang may koneksyon ang suspek sa natu-rang international terrorists.
Nabatid na bandang alas-12:10 ng madaling araw nang magsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng National Intelligence Coordinating Agency at iba pang police units sa Angel Beach Resort sa Brgy. Kitagas Kiamba nang makatanggap ng impormasyon na si Maguid at mga kasamahan nito ay natunton sa nasabing beach resort na pinaniniwalaang nagplaplano nang paghahasik ng terorismo.
“Nung maa-arrest na siya, tinakbo niya ‘yung kanyang baril para kunin at doon siya na-neutralize,” pahayag ng opisyal matapos ang maikling palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig.
Nasamsam sa operasyon ang dalawang M16 rifles, isang granada, 18 magazine, walong magazines, bandoliers, sari-saring mga bala at mga dokumento na may kinalaman sa terorismo.