Ginang na ‘asset’ ng PDEA, itinumba sa NBP compound

MANILA, Philippines - Isang ginang na umano ay “asset” ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang binaril at napatay sa medium security compound ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City, kamakalawa.

Ang nasawi ay kinilalang si Josephine Jacalo, alyas “Maxipeel”, nakatira sa isang apartment sa may Sampaguita Road, sa Camp Sampaguita, NBP. Habang inoobserbahan sa Ospital ng Muntinlupa ang kanyang kapitbahay na si Erlinda Javiero, 56.

Base sa ulat, dakong ala-1:45 ng hapon ay nagpapa­hinga ang biktima sa loob ng kanyang bahay nang pasukin ng hindi nakilalang salarin at pagbabarilin ito.

Kahit may mga tama ng bala, nagawa pang makalabas ng bahay ang biktima at nagtago sa bahay ni Javiero, subalit sinundan pa rin siya ng salarin at muling pinagbabaril dahilan para tamaan ng ligaw na bala si Javiero. Inamin ng anak ng nasawi na asset ng PDEA ang ina at may nobyo na preso sa loob ng “medium security compound” ng Bilibid. 

Nakatanggap na rin umano ng pagbabanta sa kanyang buhay ang biktima bago ang pamamaslang.

Show comments