MANILA, Philippines - Isang dating general ng Philippine Army at pitong iba pa ang kinasuhan ng tanggapan ng Ombudsman sa Sandiganbayan dahilan sa umanoy maanomalyang pagbili ng P5.1 milyong halaga ng military supplies noong 2003.
Isang count ng graft at 6 na counts ng pamemeke ng dokumento ang isinampa ng Ombudsman laban kay retired Lt. Gen. Gregorio Camiling Jr. dahil sa umanoy pagpabor sa supplier ng combat clothing at individual equipment (CCIE) ng walang isinagawang bidding para dito.
Bukod kay Camiling ay kasama rin sa kaso sina Brig. Gen. Severino P. Estrella, Col. Cesar G. Santos, Col. Jessie Mario B. Dosado, Col. Barmel Zumel, Col. Cyrano A. Austria, Capt. George P. Cabreros, Accounting Unit head Editha B. Santos, at chief accountant Rolando F. Minel.
Naiwasan ng mga akusado na isailalim sa bidding ang kontrata dahil pinaghati-hati ang kontrata sa anim kayat naiwasan ang P1 million threshold na hindi na kailangan ang otoridad mula sa mga mas nakatataas na opisyal ng ahensiya.