3 drug pushers bulagta

MANILA, Philippines – Bumulagta ang tatlong pinaghihinalaang notoryus na drug pushers makaraang mauwi sa shootout ang isinagawang buy bust operation ng mga operatiba ng pulisya sa Quezon City nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni  P/Supt. April Mark Young, hepe ng Novaliches Police Station 4, ang mga napaslang na sina Anthony Pelicano, Roberto Saragoza  at Edgar Enim; pawang nasa hustong gulang at mga residente ng Magdalena St., Brgy. Sta. Monica, Novaliches, Quezon City. Ang tatlong tulak na pawang nasa  drug  watch list ng QCPDPS 4 ay isinugod pa sa East Avenue Medical Center (EAMC) subalit idineklara silang dead-on-arrival dahil sa tinamong mga tama ng bala  sa kanilang katawan.

Base sa inisyal na report ni PO3 Randy Flores, QCPDPS4 Desk officer,  ganap na alas-10 ng  gabi  ng  maganap ang engkuwentro sa hideout ng mga  suspek  sa may Luke St., Brgy. Bagbag, Novaliches.

Nakuha sa lugar ng pinangyarihan ng krimen  ang   dalawang .45 kalibre ng baril, isang. 38 revolver, 10 plastic  sachet  ng shabu, mga  drug paraphernalia,  tricycle at P500 drug  money. Patuloy naman ang pinaigting na anti-drug campaign ng pulisya.

Show comments