MANILA, Philippines – Pitong katao na umano ay sangkot sa illegal drugs ang napatay ng mga pulis sa magkahiwalay na buy bust operation sa Quezon City at Caloocan City kamakalawa.
Sa ulat ng QCPD, kinilala ang mga napatay na suspek na sina Ricardo Mamaril, alyas Iking; Mark Charlie Ang, alyas Chan Chan; Jeff Kenneth Firmalino, alyas Pipoy; at Rey Dolin; pawang mga residente sa Brgy. Bagong Pagasa.
Nadakip naman sina Mario Gumiran, 53; Jessa Mae Cabigaw, 20; Krista Melody Erediano, 20; at isang 16-anyos na binatilyo.
Bago nangyari ang barilan dakong alas-11:40 ng gabi sa may no. 949 Hona St., Sitio San Roque II, Brgy. Bagong Pag-asa ay nagpanggap na buyer ang isang pulis at bibili ng P500 shabu at nang maiabot na ang bayad ay dito na lumusob ang mga pulis.
Nagtatakbo si Mamaril sa kanyang lungga at inalerto ang tatlong kasamahan at pinaputukan ang mga operatiba na na-uwi sa engkwento na kanilang ikinasawi.
Narekober sa crime scene ang 7 sachet ng shabu na may timbang na 15 grams, dalawang .45 caliber pistol, dalawang .38 revolver at mga drug paraphernalias.
Tatlong drug suspects naman ang napatay ng Caloocan City police sa ikinasang buy-bust operation kamakalawa.
Nakilala ang tatlong napatay na sina Rodel Dela Cruz; isang alyas “Robert Putol”, nasa 30-35 taong gulang, 5’3” taas, blonde ang buhok, putol ang kanang braso, at tadtad ng tattoo ang katawan; at ang ikatlo ay nasa 30-35 taong gulang, 5’7” ang taas, nakasuot ng itim na kamiseta at short pants.
Batay sa ulat, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang magsagawa ng buy bust operation ang mga tauhan ng Police Community Precinct 1 sa kanto ng Zapote at Tandang Sora St., Brgy. 140.
Habang nasa gitna umano ng transaksyon, nakahalata ang mga suspek na pulis ang kanilang ka-deal kaya nagsibunot umano ang mga ito kanilang baril at pinaputukan ang mga pulis na masuwerteng hindi tinamaan kaya’t gumanti ng putok ang mga pulis dahilan para masawi ang tatlong suspek.
Narekober ng mga pulis sa mga suspek ang isang kalibre .38 na baril, isang pen gun, isang kalibre .22 na sumpak, mga bala, napaputok na cartridges, at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.