MANILA, Philippines - Napatay ng mga operatiba ng Manila Police District-Station 11 sa isang drug operations ang dalawang lalaki na umano ay drug pusher kahapon ng tanghali sa Binondo, Maynila.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Jessie Castro at Ronnel Calahatian, kapwa nasa hustong gulang at kapwa residente ng Sevilla St., Binondo.
Bago naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng umaga ay tinungo ng mga pulis ang drug den sa Sevilla St., matapos kumpirmahin ng kanilang impormante na may nagaganap na pot session.
Pagdating sa lugar ng mga pulis ay agad umanong pinaputukan ni Calahatian ang isang pulis na tinamaan kung kaya’t gumanti ang mga otoridad ng putok at nasapol ang dalawang suspek.
Isinugod pa sa Justice Jose Abad Santos General Hospital ang dalawang suspek, subalit hindi sila umabot ng buhay.
Nasamsam sa crime scene ang dalawang kalibre 38 baril, shabu at drug paraphernalias.