MANILA, Philippines – Libong katao ang dumagsa upang makiramay at maghatid sa huling hantungan ng yumaong si dating Senator Miriam Defensor-Santigo kahapon ng hapon sa Loyola Memorial Park sa Marikina City.
Bago tuluyang dinala sa libingan ay nagdaos muna ng funeral mass sa Immaculate Concepcion para sa senadora sa pangunguna ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani.
Dinaluhan ng mga kaanak, kaibigan, mga tagasuporta at ilang kilalang personalidad kabilang sina dating Senador Bongbong Marcos, kanyang inang si dating First Lady Imelda Marcos, dating senador Kit Tatad at aktres na si Heart Evangelista.
Dumalo rin ang grupo ng mga kabataan na sumuporta sa presidential candidacy ni Miriam noong 2016 polls, na pawang nakasuot ng pulang t-shirt.
Pagkatapos ng banal na misa ay sinimulan ang funeral procession at dakong alas-3:20 ng hapon nang makarating sa Loyola Memorial Park ang labi ng senadora, kung saan naghihintay sa kanya ang kanyang mga tagasuporta.
Binigyan ng arrival honors ang senadora at may nakalatag pang red carpet para sa kanya at mga taong dumalo sa libing.
Nagpakawala rin ng mga puting kalapati ang kanyang mga supporters.
May kanta ng “Ugoy ng Duyan” ang pinatutugtog sa libing at may helicopter na nagsaboy ng mga petals ng mga bulaklak at binigyan siya ng 21-gun salute
Pinasalamatan naman ng pamilya ng senadora ang mga taong nakiramay sa kanila at nakipaglibing at maging yaong mga nagpaabot ng pagmamahal sa kanila.
Ilan sa mga ito ay nag-iwan ng mga liham pasasalamat, at nakatawag pansin ang liham ng kanyang apong si Charles Rotoni, na nagsabi sa kanyang mensahe ng “You Know How much I love you Granma! Kiss! Kiss! Kiss na may kasamang drawing ng mukha ng senadora, heart at lagda nito.
Si Santiago ay binawian ng buhay sa edad na 71 dahil sa sakit na lung cancer.