MANILA, Philippines – Apat na lalaki na umano ay drug pusher ang nasawi nang manlaban sa mga pulis sa magkahiwalay na buy bust operation sa QC at Maynila.
Sa Quezon City, napatay ang suspek na si Bubot Panotes, ng Phase 3 St., Lupang Pangako, Brgy. Patayas, habang nadakip ang walong iba pa.
Nabatid na bago ang shootout dakong alas-12:10 ng tanghali ay nagsagawa ng drug operation ang Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group ng Police Station 6 sa tinaguriang shabu tiangge matapos magpanggap ang isang operatiba na bibili ng P10,000 halaga ng shabu kay Panotes.
Nang magkapalitan ng items ay nakatunog umano si Panotes at mga alalay nito na may mga nakaantabay na mga parak dahilan para magbunot sila ng mga baril at paputukan ang mga huli.
Gumanti naman ng putok ang mga operatiba na ikinasawi ng suspek at naaresto ang walo pang suspected drug personalities habang bumabatak umano ng iligal na droga.
Tatlo naman ang napatay sa Maynila matapos na manlaban din ang mga drug suspects sa isinagawang buy bust operation kamakalawa ng gabi sa Pandacan at Tondo, Maynila
Ang mga napatay na suspek ay kinilalang sina Joselito Rufino alyas “Pinong, nasa 45-50 ang edad, miyembro ng Batang City Jail, may mga tattoo na Chuchay, Janiel, Oga, Raizel sa kaliwang braso, nakasuot ng puting sando at itim na shorts; Marlon Batuyong, 45, residente ng no. 705 Maliklik St., Tondo at isang Reagan dela Cruz, 25, walang permanenteng tirahan.
Narekober ng pulisya sa crime scene ang kalibre 38 na baril na may tatlong kargang bala na ginamit ng suspek na si Rufino at kay Dela Cruz at Batuyong ay isang kalibre 38 at isang kalibre 22, 3 plastic sachet ng shabu at drug paraphernalias.