MANILA, Philippines - Matapos ang dalawang taong pakikipaglaban sa lung cancer ay pumanaw na kahapon ng umaga si dating Senator Miriam Defensor-Santiago, 71.
Mismong ang asawa ng senadora na si Atty. Jun Santiago ang nag-anunsiyo kaugnay sa mapayapang pagpanaw ng senadora habang natutulog.
“She died peacefully in her sleep this morning,” pahayag ni Santiago.
Sa Twitter account ng senadora, nakalagay na namatay ito dakong alas-8:52 ng umaga.
Magugunita na noon June 2014 ay inihayag ni Santiago sa publiko ang estado ng kanyang kalusugan kung saan inamin niya na mayroon siyang lung cancer.
Ayon naman kay Poe, naging gabay niya si Santiago para isulong ang Freedom of Information Bill na hindi naging ganap na batas noong nakaraang Kongreso.
Sa pangunguna ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III, nagpahayag ang mga senador ng kalungkutan at pakikiramay sa pamilya ni Santiago.
Ayon naman kay Senator Francis “Chiz” Escudero, ikinalulungkot niya at ng kanyang pamilya lalong-lalo na ng asawang si Heart Evangelista ang pagpanaw ni Santiago.
Si Santiago ang naging daan upang magkalapit sina Escudero at asawa nitong si Heart na inalala ang mga magagandang karanasan niya sa senadora sa pamamagitan ng kanyang Twitter account.
Sinabi naman ni Senator Cynthia Villar na maituturing na icon ng mga kababaihan si Santiago at posibleng hindi na tayo makakita ng isang lider na babae na kasing tapang at kasing galing nito.
Sa panig ni Senate President Pro-Tempore Franklin Drilon, sinabi nito na maituturing na pinakamalungkot na araw sa kasaysayan ng bansa ang pagpanaw ni Santiago.
Ikinalungkot ni Pangulong Rodrigo Duterte at Malacañang ang biglaang pagpanaw ni Santiago.
Inaalala naman ng Malacañang si Santiago bilang ‘shining ligths’ ng pulitika sa Pilipinas.
“She was shining light in Philippine political annals for her sharp legal mind, uncompromising stand, and acid humor. She had a profound influence on millennials and the youth, constantly challenging preconceived notions both political and social. Her passing also signals passing of era of politicians with wide ranging intelligence and courage to express their true conviction,” ayon naman kay Presidential Spokesman Ernesto Abella.
Inilagay rin sa half-mast ang bandila ng Pilipinas na nasa harap ng gusali ng Senado.
Matatandaan na dalawang beses na tumakbong presidente ng bansa si Santiago pero hindi ito pinalad na manalo. Ang pinakahuli ay sa nagdaang presidential election kung saan naging runningmate niya si dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.