MANILA, Philippines – Isang opisyal ng pulisya na aktibo sa anti-illegal drug operation ang pinagbabaril at napatay sa naganap na ambush kamakalawa sa bayan ng Sta. Fe, Leyte.
Namatay noon din sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Chief Inspector Jesus Son.
Batay sa ulat, bago nangyari ang ambush dakong alas-9:15 ng umaga sa kahabaan ng highway ng Brgy. Pilit, Sta. Fe ay kasalukuyang minamaneho ng biktima ang kaniyang kotse galing sa bayan ng Pastrana at pauwi na sa kanilang bahay nang tambangan ng mga armadong kalalakihan na nakaposisyon sa tabi ng highway.
Ang mga gunman ay sakay din ng isa ring kotse at isang motorsiklo na pinaikutan ang behikulo ng biktima saka pinagbabaril.
Matapos paputukan ang behikulo ng biktima nang sunud-sunod ay mabilis na nagsitakas ang mga salarin patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Nabatid na ang biktima na ngayon ay nakadestino sa PRO 8 ay dating intelligence operative na nakatalaga sa Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force na ngayon at tinawag na Anti-Illegal Drugs Group.